What If It Was Written In Filipino?

Twinkle, Twinkle

Back in 2012, a few months before I resigned from TeleTech, I posted on Facebook and sent an email to some friends an excerpt from two chapters of my novel, Number One Fan. It was still titled Twinkle, Twinkle, Little Star (a suspense novel) back then. Let me share with you the original excerpt written in Filipino:

***

            Nasurpresa ako nang makita ko ang isang bouquet ng pulang rosas sa aking mesa. Tinukso ako ng mga kasamahan na may fan na raw ako. Baka raw magselos ang manliligaw ko na si Alex.

“Naku, pustahan pa tayo kay Alex galing ‘yan,” sabi ni Nitz Henson. Maiksi ang buhok niya at nakasuot lamang ng plain t-shirt at jeans. Hindi tuloy malaman kung babae o lesbian sa kanyang ikinikilos. Kasing edad ko siya at matalik kong kaibigan mula high school.

“I doubt it,” wika ng isang bading. Medyo may katabaan, matangkad, at palangiti ang taong ito. Siya naman ay si Lor Kagaoan, isang direktor. “Can’t afford si Alex ng ganyan. Baka may ibang manliligaw si Regine, ayaw lang niyang sabihin sa atin,” sabay tawa ng pabiro. Mahigit trenta anyos na si Lor, matagal nang direktor ng mga TV shows lalo na ang mga news and current affairs.

Naki-ride on na lang ako sa mga panunukso nila. “Kayo talaga, Direk, puro biro. Malay mo? Tama si Nitz, galing kay Alex ang mga ‘to.” Napatingin ako sa katapat at kabilang dulo ng newsroom. Naroon ang mesa ni David. Napuna ko na nakangiti siya sa akin kahit medyo malayo ito. Napangiti rin ako sa kanya. Galing kaya kay David ang mga ito?

Kaya binasa ko ang maliit na tarheta na nakaipit sa mga bulaklak:

“To my No. 1 reporter,

                                    Congratulations! Newscaster ka na pala. Gawin mo rin akong Number 1.

                                                                                                                                                            From your Number One Fan”

Sino naman ang magpapadala sa akin ng ganitong mensahe? Si Alex? Posible. Pero ni minsan ay hindi pa gumamit ng alias si Alex kapag nagbibigay ng regalo sa akin. Muli akong napatingin sa mesa ni David. Nagkatinginan kaming muli kaya nagkangitian ulit. Imposible namang si David ang magpadala ng mga bulaklak na ito. Pero sa kabilang dako, bakit naman hindi? Boyfriend ko siya noong kolehiyo, pero bakit kaya ganoon ang kanyang mensahe?

Nabigla ako nang mag-ring ang aking telepono. Kinuha ko ang receiver at sinagot ang tawag, “RMBN News, good evening.”

“Regine Sta. Maria, please,” sabi ng lalaki sa kabilang linya. malalim ang boses, ‘di ko kilala.

“Speaking. May I know who is on the line?”

“Good evening, Regine. Natanggap mo ba ang ipinadala ko?”

“Sino ito?”

“Your Number One Fan,” sagot ng caller at saka tumawa.

Kinilabutan ako. “Sino ka? Bakit ayaw mong magpakilala?”

“Hindi mo na kailangang malaman kung sino ako,” wika ni Number One Fan. “Ipangako mo lang sa akin na pasisikatin mo ako. Gawin mo akong Number One sa buong Pilipinas. Okay ba?” Tumawa uli ang lalaki, isang mala-demonyong halakhak.

“Kung sino ka man, hindi ako nakikipagbiruan sa inyo. Pasensiya na po. Goodbye.” Ibinaba ko agad ang telepono. Hindi ko naiwasang tumingin sa kinaroroonan ni David. Nakita ko ito na nagbaba rin ng telepono. Itinungo ko ang aking ulo, ibinaon ang mukha sa aking mga palad. Hindi ako makapaniwala sa tawag na iyon. Isang ‘di kilalang lalaki ang nagpadala ng mga bulaklak at tumawag para lang sabihing gusto nitong sumikat.

At biglang nagbalik sa aking alaala ang isang kahindik-hindik na pangyayari noong ako’y bata pa. Nagising ako sa mga sigaw na narinig mula sa labas ng aking silid. Katabi kong natutulog ng mahimbing ang kapatid kong si Joyce na sanggol pa lamang noon. Lumabas ako at nakita kong lumabas rin mula sa kabilang silid, sa silid nina Mama at Tito Sonny, ang isang lalaki na may dalang duguang kutsilyo. Narinig kong sumigaw si Tita Flor, “Hija, pumasok ka sa kuwarto mo, dali!” Kaya sa takot ay pumasok uli ako sa aking silid, isinara ang pinto at ikinandado ito. At nahiga akong muli sa tabi ni Joyce, nangnginig sa takot. Napakadetalyado ng lahat sa aking alaala maliban sa kanyang mukha. Bakit kaya ‘di ko maalala ang kanyang hitsura? Ang sabi nila, siya raw ang aking ama, si Benjamin Sta. Maria. Siya raw ang pumatay kina Mama at Tito Sonny. Akala ko ba matagal na siyang pumanaw kaya nag-asawang muli ang aking ina? At bakit ayaw ng mga kamag-anak, lalo na ang aking lolo, na malaman ko kung nasaan na siya?

Makailang saglit ay nag-ring muli ang telepono. Hinayaan ko lang ito. Luma na ang phone unit na nasa aking mesa kaya wala itong caller ID. Kaya hindi ko malaman kung sino ang tumatawag. Ngunit bigla kong naisip na baka si Alex iyon. Wala na si David sa kanyang mesa nang sagutin ko ang tawag. “RMBN News, good evening,” bati ko habang nakatingin sa kabilang dulo ng newsroom.

“Gagawin mo ba akong Number One?” tanong ng prank caller.

“Sino ka ba talaga?” tanong ko. “Ano ba ang gusto mo?”

“Ang kulit mo, Regine,” wika ng nasa kabilang linya. “Reporter ka nga. Tawagin mo na lang akong Number One Fan. Gusto kong pasikatin mo ako sa buong Pilipinas. Okay ba, ha?” At saka ito tumawa.

“Paano naman kita pasisikatin kung hindi ko alam ang tunay mong pangalan at hindi kita ma-interview ng maayos?”

Tumawa lang si Number One Fan sa kabilang linya. “Regine, hindi mo ako kailangang interview-hin. Baka ako pa nga ang mag-interview sa iyo. O ano, okay ba?”

Napabuntung-hininga akong muli. “Puwede ba? Hindi ako nakikipagbiruan sa inyo!”

“Pasisikatin mo ba ako o hindi?”

“Hindi!” mariin kong isinagot sabay bagsak ng telepono.

Nag-ring muli ang telepono. Hinayaan ko lang ito. Subalit patuloy pa rin ang pag-ring nito. Walang tigil. Sa matinding galit, inangat ko na ang receiver at sinagot ang tawag. “Ano ba?! Hindi ka ba titigil?”

“Easy… easy,” sagot ng isang pamilyar na boses sa kabilang linya. “Si Alex ito. May kaaway ka ba?”

“I’m sorry, Alex,” paumanhin ko. “May prank caller lang ako kani-kanina lang.”

“Ah, kaya pala busy ang linya mo kanina. Kaya ako napatawag, gusto ko sanang sunduin ka, okay lang ba?”

“Oo naman. Sige, hihintayin kita sa lobby.”

***

            Maliit lang ang silid na inuupahan ni Number One Fan. Madilim dahil liwanag lang mula sa TV ang nagsisilbing ilaw. Bihira niya kasing gamitin ang ilaw. Mas gusto niya ang dilim. Nagkalat sa maliit na mesa ang tatlong basyong bote ng beer, ashtray na puno ng upos ng sigarilyo, at isang kaha ng sigarilyo na paubos na. Sa kanyang kama naman ay nagkalat ang mga litrato ni Regine Sta. Maria at mga artikulo mula sa mga magasin kung saan na-feature ang magandang newscaster.

Hinintay niya na sagutin ang kanyang tawag. Nang may sumagot sa kabilang linya, nagwika siya: “Sino ang kausap mo at busy ang linya?”

“Ikaw na naman?” sabi ng babaeng sumagot ng tawag.

“Si Alex Joven ba?” tanong niya habang hawak ang isang larawan nina Regine Sta. Maria at ang manliligaw niyang si Alex Joven na magka-akbay. Ang larawan ay kuha pa noong nakalipas na Christmas Party ng Royale Broadcasting Network.

Hindi makasagot ang babae sa kabilang linya kaya tumawa ang misteryosong caller. “Regine, Regine… nagri-research din ako tulad mo. Nanliligaw sa iyo si Alex, ‘di ba? Reporter din siya katulad mo. Nang mag-iba ang management ng Royale, nawala siya riyan. Or I’d say, tinanggal siya riyan. At nasaan na siya ngayon? ‘Di ba sa isang pipitsuging AM radio station?” At saka siya humalakhak muli.

“Ano’ng kailangan mo sa akin?” tanong ni Regine sa kabilang linya.

“Nagsumbong ka ba kay Alex?”

“Ano’ng masama kung sinabi ko sa kanya na may prank caller akong katulad mo?”

“Huwag na huwag kang magsasalita tungkol sa mga pinag-uusapan natin. Maliwanag ba?” Tumayo ang lalaki, hawak pa rin ang larawan. Nagtungo siya sa kanyang dartboard na nakasabit sa dingding. Cellphone naman ang kanyang gamit kaya malaya siyang makakagalaw sa kanyang silid. Idinikit niya ang larawan sa dartboard sa pamamagitan ng isang dart pin.

“Paano ka sisikat kung hindi ako magsasalita?” tanong ni Regine.

“Ako ang magsasabi sa iyo kung ano ang sasabihin mo at kung kailan mo ito sasabihin. Okay ba?”

“At sino ka para diktahan ako?”

“Ako ang masusunod, Regine. Ako. Okay ba?”

“At kung ayaw ko?”

“Wala kang choice, Regine.” Kumuha ng isa pang dart pin ang lalaki at nagbalik sa kinuupuan. “Oras na malaman ko na may pinagsabihan kang tao tungkol sa mga pinag-usapan natin, may isang tao na mamamatay. Okay ba?” Itinira ni Number One Fan ang dart. Tumama ang dart pin sa larawan, eksakto sa mukha ni Alex.

***

            “RMBN News, good afternoon,” bati ko sa telepono nang mag-ring ito.

“Kumusta ka na?” tanong ng lalaking pamilyar ang boses. “Nagi-guilty ka na ba dahil kasalanan mo ang pagkamatay ni Anacleto?”

Sinilip ko kung naroon si David sa kanyang mesa. Wala. “Hindi kita maintindihan,” sabi ko. “Sa initial findings, nag-suicide siya. Pero sa tono ng pananalita mo, mukhang pinatay mo siya. At wala akong kinalaman doon.”

“Mayroon, Regine. Nagsumbong ka kay Alex. Ang tagal ninyong nag-usap sa restaurant noong isang linggo.”

“Naroon ka? Nakita mo kami?”

Humalakhak lang si Number One Fan. Kinilabutan ko. Pilit kong inaalala ang mga taong nakita ko sa restaurant noong gabing iyon. Wala naman akong napansing kahina-hinalang tao. O baka naman talagang hindi ko napansin dahil nakikipagkuwentuhan ako kay Alex.

“Nagsumbong ka kay Alex, ‘di ba?”

“Inaamin ko, may sinabi ako kay Alex tungkol sa tawag mo noong Lunes ng gabi.”

“O, ‘di inamin mo rin. ‘Di ba usapan natin kapag may pinagsabihan kang ibang tao, may isang mamamatay?”

Hindi ako nakapagsalita.

“May nangyari ba sa inyo ni Alex noong gabing ‘yon?”

“Ano’ng sabi mo?”

“Ang tagal ni Alex sa bahay n’yo, ha? At ano pa nga ba ang gagawin ng isang babae at isang lalaki sa loob ng isang bahay…”

“Sinundan mo pa kami roon?” Hindi ako makapaniwala na alam ni Number One Fan ang kanyang tirahan.

“Gusto ko lang namang malaman kung ano ang nangyari sa inyo…”

“Wala ka ng pakialam sa personal na buhay ko.”

***

            “Kung ayaw mong aminin, okay lang,” sabi ni Number One Fan sa kanyang kausap sa cellphone. “Maiba tayo ng usapan.” Tanaw ng lalaki ang swimming pool kung saan nag-aaral lumangoy ang mga kolehiyala para sa kanilang P.E. 3. “Ilang taon na si Joyce?”

“Huwag mong pakialaman ang kapatid ko,” sabi ng kanyang kausap sa kabilang linya.

“Ba’t ayaw mong sagutin ang mga tanong ko? ‘Di ba ang sabi ko, ako ang magi-interview sa iyo?” Humalakhak ang lalaki.

“Gusto kong malaman kung bakit mo pinatay si Anacleto.”

“Regine, relax,” sagot ni Number One Fan habang pinagmamasdan si Joyce na lumalangoy sa pool. “Darating tayo riyan. Sagutin mo muna ang tanong ko: ilang taon na si Joyce?”

Maririnig ang buntong-hininga ni Regine sabay sagot ng “Eighteen,” sa kabilang linya.

“Kumukuha siya ng Nursing, ‘di ba? Alam mo ba ang subject niya ngayon?”

“Hindi.”

“Talaga bang hindi kayo close na magkapatid?”

“Problema na naming magkapatid ‘yon.”

“For your information, P.E. ang subject ng kapatid mo ngayon. At ang P.E. niya ay swimming,” ani Number One Fan habang ang kanyang isang kamay ay nasa V ng kanyang pantalon, pinipigilan ang pagpukaw ng nararamdamang pagnanasa. “Ang ganda ng katawan niya. Sexy.” Sumipol pa ito at saka tumawa. “Bagay sa kanya ang naka-swimsuit. Mas maganda siguro siya kung naka-two piece… or better yet, kung nakahubad.”

“Kung sino ka man, parang awa mo na,” pakiusap ni Regine sa kabilang linya. “Huwag mong idamay ang kapatid ko.”

“Hindi ko gagalawin ang kapatid mo kung susundin mo ang aking mga utos. Okay ba?”

“Promise, hindi na ako magsasalita ng tungkol sa iyo kahit kanino.”

“Dapat lang. At huwag na huwag mong sasabihin sa media na hindi suicide ang nangyari. Dahil kung hindi, may susunod kay Anacleto. Hulaan mo kung sino.” Tumawa ang lalaki. “Tignan ko kung matalino kang talaga, Regine Sta. Maria. Bibigyan kita ng clue: tan-tan/tan-tan/tan-tan-tan.” At pinindot na ng lalaki ang kanyang cellphone.

***

            Ang tinik naman ni Number One Fan. Nagawa nitong sundan kami ni Alex hanggang bahay. At ngayon naman ay sinusundan si Joyce. Sino kaya ang susunod niyang papatayin? At bakit tunog ng Twinkle, Twinkle, Little Star ang gustong ipahiwatig? Twinkle, twinkle, little star, how I wonder what you are. Up above the world so high, like a diamond in the sky. Twinkle. Star. Above the world. Diamond in the sky. Star, tinitingala, idolo, sikat. Mga sikat na journalists tulad ni Anacleto. Sino naman kaya ang susunod?

***

 

Now that the novel has been published in English, do you think it would be better if the novel was written in Filipino? Tell me what you think.

For those who haven’t read the novel, Number One Fan, you may download it for FREE here.